read.cash Log in
@abieyy more from that month

Tagumpay sa Kabila ng Kahirapan | 3

Ito ang pangalawang kabanata: https://read.cash/@abieyy/tagumpay-sa-kabila-ng-kahirapan-2-e8d5dae2 ***....Naniniwala siya na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kaniyang magulang. Nagpasalamat siya sa mga pulis at ipinaubaya na niya ag lahat sa kanila.*** Sa ilalim ng malaking puno ng mangga namalagi ng ilang oras si Luffy. Tahimik na pinagmamasdan ang paglubog ng araw at nagsisimbolo ito para sa kaniya ng panibagong pag-asa. Dahil sa paglubog ng araw sa hapon ay siya namang pagsikat nito sa umaga. Kahit masakit para sa kaniya na mawalan ng magulang ay mas naging matatag pa siya upang harapin ang bagong bukas na hindi na kapiling ang ina at ama. Lumipas ang isang linggo na puno ng hinanakit, lungkot, galit at pangungulila si Luffy Tuwing gabi siyang umiiyak na umaasang panaginip lang lahat ng nangyari sa kaniyang magulang Umaasa siya na sa paggising niya ay nandoon ang kaniyang magulang Ngunit ito na ata ang napiling tadhana sa kaniya ng Diyos. Sunod sunod na katok ang maririnig sa labas ng bahay nila Luffy. Agad na naalimpungatan ang bata at tinukoy kung sino ang mga iyon. Nabungaran niya ang mga pulis na nag imbestiga sa krimeng nangyari sa kaniyang magulang. "Magandang umaga sa iyo Luffy, may maganda kaming balita sa iyo iho bungad ng pulis "Magandang umaga din po Sir. Ano pong magandang balita ang hatid niyo sa akin?" tamad na sabi ni Luffy "Nahanap na namin ang pumatay sa iyong magulang. Kasalukuyan na siyag nakapiit sa kulungan. Huwag kang mag-alala iho hinding hindi na iyon makakatakas pa dahil mahigpit ang seguridad sa loob ng kulungan" mahabang saad ng pulis "Naku! Maraming salamat po Sir dahil nabigyan na ng hustisya ang pagkamatay ng aking magulang" "Kung may bakante kang oras pwede kang pumunta sa kulungan upang tignan siya iho. Oh siya sige kami ay mauuna at may trabaho na kami. Mag iingat ka lagi Luffy" paalam ng pulis Mabilis na naligo at nagbihis si Luffy para mapuntahan ang suspek sa kulungan. Wala siyang ibang nararamdaman kundi ang galit na namumuo sa kaniya. Aminin man niya o hindi pa rin maaalis sa kaniya ang sakit na naramdaman niya tulad ng araw na iyon. Ipinapangako niya na mabubulok sa kulungan ang taong iyon. Sumunod naman niyang pinuntahan ay ang puntod ng kaniyang magulang Namalagi siya doon ng isang oras dahil kahit sa ganoon mang pagkakataon ay madama niya na buhay pa rin ang kaniyang magulang. "Paalam sa inyo nanay at tatay palagi po kayong nandito sa isip at puso ko. Araw-araw ko po kayong dadalawin at walang sasabihin na mahal na mahal kayo. Salamat dahil pinalaki niyo ako ng maayos at binusog ng pagmamahal galing sa inyo. Hayaan niyo po sa susunod na dadalaw ako hawak ko na ang diplomang pinapangarap niyo para sa akin. Aalis na po ako sana masaya kayo nasaan man kayo" sabi ni Luffy at ngumiti ng malaki sa kalangitan. Lumipas ang mga araw, buwan at taon sa buhay ni Luffy na hindi kasama ang magulang. Ngunit sa pangyayaring naganap sa buhay niya ay natuto siyang bumangon sa pagakakadapa. Dahil sa sipag, tiyaga, pagiging mabuting tao sa kapwa ay madaming biyayang ipinagkaloob sa kaniya ang Diyos. Naipaayos na niya ang kanilang bahay mula sa maliit ay naging malaki na ito at pinaganda niya pa sa labas at maging sa labas. Ngayon ay hawak hawak na niya ang inaasam na tagumpay ang kaniyang diploma na siyang pangarap ng kaniyang magulang para sa kaniya. "Nanay at Tatay! Tignan niyo po hawak ko na ang diploma ko! Bunga po ito ng pinaghirapan sa loob ng ilang taon. Sabi ko naman sa inyo 'di ba na sa susunod na dadalaw ako dala ko na ang diploma ko" nakangiting sabi ni Luffy sa harap ng puntod ng kaniyang magulang. Ilang oras din ang ginugol ni Luffy sa pagkukwento ng nangyari sa kaniya sa loob ng ilang taon. Nagpaalam na siya na aalis at dadalaw na naman sa susunod na araw. Ngayon nalalasap na niya ang tagumpay niya sa buhay. Isa na siyang ganap na guro na siyang pangarap niya noon pa man. Naniniwala siya sa buhay na kahit anumang hirap ang danasin kung pursigido ang isang tao na makapag-aral gagawa ito ng paraan at hindi padadaig sa anumang pagsubok na haharapin. Nanatili doon si Luffy upang bantayan ang puntod ng kaniyang magulang at para makasama sila ng matagal kahit na nasa puntod silang dalawa. Nararamdaman niya pa rin ang pagmamahal na binibigay sa kaniya ng kaniyang magulang. Naniniwala siya na Araw-araw siyang binabantayan ng kaniyang magulang pati na rin ang Poong Maykapal. Tanaw niya ang paglubog ng haring araw mula sa kaniyang kinauupuan na siyang nakapagpangiti sa kaniya. Para sa kaniya, sinisimbolo nito na sa bawat pagkalugmok na nangyari sa iyo huwag na huwag mawawalan ng pag-asa bagkus gawin itong inspirasyon sa buhay para malagpasan ang mga ito. Lagi niyang tatandaan at iuukit sa kaniyang puso't isipan na laging may rason ang Diyos kung bakit nangyayari ang lahat ng ito. Dito na nagtatapos ang kuwento ng batang si Luffy. Sana ay may napulot kayong aral sa kuwento na ito. ***Tandaan: Hindi hadlang ang pagiging mahirap para maging matagumpay sa buhay. Kung kaya ng iba, kaya mo rin!*** Salamat sa pagbabasa! Hanggang sa susunod na kuwento, abangan!

No comments yet

Log in to join in Reading is open to everyone. Replying needs an account.