read.cash Log in
@abieyy more from that month

Tagumpay sa Kabila ng Kahirapan | 1

Maingat na naglakad papasok ng silid-aralan ang batang si Luffy. Iniiwasang makagawa ng kahit anumang ingay na nanggagaling sa kaniyang sirang sapatos. Sinamantala niya ang pagkakataon na iyon dahil kasalukuyang nakatalikod ang kaniyang guro. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon humarap na ito at naabutan siyang nakatayo. "Bakit ngayon ka lang pumasok Luffy?" masungit na tanong ng kaniyang guro habang lumalapit sa kaniya "Pasensiya na po ma'am hintay ko pa kasi ang aking ina bago ako pumasok" magalang na sabi ni Luffy "Sige, puwede ka ng maupo at sulatin mo na ang sinulat ko sa pisara" sabi ng kaniyang guro "Opo ma'am" sagot ni Luffy Masipag, mabait, magalang, matapat, may takot sa Diyos at madami pang magandang ugali ang mayroon si Luffy. Maitim ang buhok, matangkad, malaki ang pangangatawan at maamo ang kaniyang mukha. Medyo gusot ang uniporme dahil hindi ito na plantsa man lang. Pinalaki siyang maging mabuting bata ng kaniyang mga magulang kahit na salat sila sa buhay. Lagi ding pinapaalala sa kaniya na maging mapagkumbaba sa lahat ng bagay sa kahit anumang pagkakataon. Mabilis na natapos ni Luffy ang kaniyang sinusulat kasabay din nito ang pag alis ng kanilang guro. Maayos na inilagay ni Luffy ang kaniyang kwaderno sa kaniyang bag. Sinunod niyang nilabas ang nakabilaong kakanin at nagsimulang alukin ang kaniyang mga kamag-aral na bumili. "Marly bumili ka na ng tinda ko luto ito ng nanay ko" masiglang sabi ni Luffy habang hinahati ang kakanin "Magkano ba iyan Luffy?" tanong ni Marly "Limang piso lang kada piraso kumuha ka na ng makarami ako ng tinda" malungkot na saad ni Luffy "Sige na nga bibili na ako, bigyan mo ako ng tatlong piraso" nakangiting sabi ni Marly habang kumukuha ng pera sa kaniyang pitaka Malaki ng ngiti ni Luffy dahil may bumili agad sa kaniyang paninda. Nagsilapitan na din ang ibang mga kamag-aral ni Luffy sa kaniya para bumili ng kakanin. Mababakas ang kasiyahan sa mukha niya ng maubos lahat ng kaniyang paninda. Tiyak na may pang bili na sila ng bigas at ulam mamayang hapunan. Mabilis na lumipas ang oras at pagpatak pa lamang ng alas singko ng hapon, dali dali ng lumabas si Luffy sa kanilang paaralan. Kailangan niyang makaabot sa kaniyang trabaho. Kailangan niyang kumita ng pera para may pambili ng kakailanganin nila sa araw-araw. Lakad takbo ang ginawa ni Luffy para makaabot sa tamang oras ng kaniyang trabaho. Hindi pa siya nakatapak sa mismong lugar kung saan siya nagtatrabaho, tanaw na tanaw na niya ang kumpulan ng mga tao sa paligid. Mayroong kumakain sa pabilog na mesa, mayroon ding nagkukwentuhan, mayroon ding nakapila para kumuha ng kanilang order at hindi rin naman maiiwasan ang mga batang pulubi na nagbabantay sa mga taong kumakain. Mabilis ang pagtakbo ni Luffy para pumasok sa loob upang gampanan ang kaniyang trabaho. "Oh Luffy! Andiyan ka na pala, pumasok ka na sa kusina upang masimulan mo na ang iyong trabaho" nagmamadaling sabi ni Aleng Mina "Sige po Aleng Mina, bibilisan ko po upang matapos ko kaagad ang trabaho ko" nakangiti namang sabi ni Luffy Mabilis na gumalaw si Luffy upang makapagsimula agad. Isa isa niyang hinugasan ang mga pinggan, mangkok, baso, at mga kubyertos na nagamit ng mga kostumer. Isang matamis na ngiti ang pinakawalan ni Luffy dahil may pambili na sila ng kanilang kakainin. Pagdaan ng ilang minuto, dumating ang isa sa mga kasamahan ni Luffy na may dala dalang maraming pinagkainan. "Luffy ito pa oh, madami kasi tayong kustomer ngayon kaya bilisan mong tapusan yan at maisunod mo agad ito" "Sige po, pakilagay na lang diyan sa tabi" sabi ni Luffy Dali daling tinapos ni Luffy ang hinuhugasan at pagkatapos nito'y inilagay sa tamang lalagyan. Sinunod niya ang iba pang hugasin. Hindi pwedeng pabagal bagal siya sa trabaho. Tiyak na mapapagalitan siya kapag mabagal na para bang pagong kung kumilos. Dahil inaasahan siya ng kaniyang magulang kaya ginagawa niya ang kanyang makakaya para lamang magkaroon ng pera. Kahit na pagod na pagod na siya galing sa eskwela nakukuha niya pa ding maging matatag dahil inspirasyon niya ang nararanasan nilang paghihirap ngayon. Pagsapit ng alas sais ng gabi, nagpaalam na si Luffy para makauwi na. "Aling Mina, uuwi na po ako kailangan na po kasi ako sa aming bahay" nahihiyang sabi niya "Sige Luffy, ito na iyong sweldo mo ngayon gamitin mo iyan sa tamang bagay iho" nakangiting saad ng matanda habang inilalahad ang pera na hawak niya "Naku! Maraming salamat po Aling Mina mayroon na po akong pambili ng aming ulam at bigas ngayong gabi" sabi niya sabay punas ng kaniyang basang kamay "Humayo ka na sa inyong bahay at baka gabihin ka sa daan iho. Mag iingat ka sa pag-uwi mo" sabi ni Aling Mina Nagpasalamat si Luffy sa pagiging mabait sa kanya ng kaniyang naging amo. Nagsimula na siyang maglakad pauwi at tiyak na hinahanap na siya sa kanilang bahay. Baka nag-aalala ang kaniyang magulang dahil palagi siyang umuuwi kapag sasapit na ang takip-silim. Dumaan muna siya sa tindahan para bumili ng isang kilo na bigas at dalawang lata ng sardinas. Binilisan niyang maglakad dahil nasasabik na siyang mayakap at makita ang kaniyang magulang na naghihintay sa kanya. Mula sa tarangkahan ng kanilang bahay tanaw na niya ang kanilang maliit na bahay gawa sa pinagtagpi tagping mga yero at maliliit na kahoy. Sa paligid nito'y napapalibutan ng dalawang matayog na mangga, mga bulaklak, at mga gulay na siyang bumubuhay na din sa kanilang pamilya. Sa maliit na bahay, nakatungaw ang mag-asawa sa bintana na agad namang nakita ni Luffy. Gumuhit ang isang malaking ngiti sa labi ng mag-asawa. "Anak sobra mo kaming pinag-alala ng iyong tatay!" sabi ng kaniyang nanay habang mahigpit ang yakap nito sa kaniya "Kaya nga anak, tara na sa loob ng tayo'y makakain na ng hapunan" saad ng kaniyang tatay sabay bitbit sa dalang supot ni Luffy Agad namang pumasok ang pamilya sa loob ng kanilang bahay. Nagprisinta ang kaniyang tatay na siya na ang magluluto. Dumiretso na siya sa kaniyang masikip na higaan na natatakpan lang ng mga hindi na nagagamit na sako. Nagpalit na siya agad ng kaniyang damit para maagang makagawa ng asignatura at makatulong na din sa gawaing bahay. Inayos na niya ng mabuti ang kaniyang gamit sa eskwela upang sa ganoon pagsapit ng kinabukasan ay hindi na niya aayusin pa. Tila may nagtutulak sa kaniya para lumabas sa kaniyang munting kuwarto. Nakita niyang seryosong nag uusap ang kaniyang nanay at tatay. Lihim siyang nagtago sa likod ng lumang aparador at hinanda ang kaniyang dalawang tainga upang makinig. Hindi siya mapakali, parang may iba ang nasasabi na lang niya sa kaniyang isipan. "Hindi na natin kayang pag-aralin si Luffy. Tignan mo naman matanda na tayo, naalis pa tayo sa trabaho natin. Paano na tayo? Lalong lalo na ang anak natin ayaw kong nahihirapan siya!" humihikbing sabi ng kaniyang nanay "Hayaan mo hahanap ako ng paraan para magkaroon ulit ako ng trabaho at pati na din matustusan ang pag-aaral ng ating anak" sabi ng kaniyang tatay habang magkayakap sila. Abangan ang susunod na kabanata! Salamat sa pagbabasa :)

No comments yet

Log in to join in Reading is open to everyone. Replying needs an account.