November 24, 2021
Magandang araw sa lahat ng miyembro ng kumunidad ng read. Kamusta kayong lahat? Ngayong araw, pahintulutan nyo muna akong gamitin ang wikang Filipino. Ito ang pangatlong beses na ako'y maglathala gamit ang aking sariling wika.
Hindi na lingid sa ilan na ako ay produkto ng nawasak na pamilya. Lumaki ako na hindi nakasama ang tunay na magulang at ang ilan sa aking mga kapatid. Sa katunayan, hanggang sa edad kong ito na malapit na lumampas ng kalendaryo, ay di ko pa nasisilayan ng personal ang aking tunay na ina. Subalit, naniniwala pa rin ako na darating din ang panahon na magkatagpo ang aming mga landas.
Iniwan kami ng bunso kong kapatid sa aming tiyuhin na kapatid ng aking tunay na ama. Malaki ang aking pasasalamat sa kanila sapagkat kahit salat man sila sa maraming bagay, itinuring pa rin nila kaming bahagi ng kanilang pamilya. Pinaaral nila kami, pinakain at binihisan. Kaya ipinangako ko sa aking sarili na bumawi para sa lahat ng kanilang sakripisyo para sa amin magkakapatid.
Noong nakapagtapos ako ng sekondarya, naisipan ko na magtrabaho sa kadahilanang hindi na nila kayang tustusan ang pag-aaral ko ng kolehiyo. Narasan ko ang iba't-ibang klase ng trabaho tulad ng pagiging kasambahay, tindera, at maging isang trabahante ng isang pabrika. Hindi ako naging mapalad na magtagal sa mga trabaho na aking pinasukan dahil sa mga ilang kadahilanan. Kaya umuwi ako sa aming lugar. May isang kapamilya namin na nagsabi na may iskolar na ipinapatupad ang gobyerno. Sa kagustuhan kong makapagtapos ng kolehiyo, sinubukan kong mag-aplay sa naturang scholarship kasabay ng dalawa kong pinsan. Pinadala lang namin sa LBC ang aming aplikasyon.
Dumating ang araw ng pasukan ngunit wala pa akong natanggap na balita kung nakapasa ba ako sa aking inaaplayan na scholarship. Naisip ko na maghanap na lang ng trabaho. Subalit pagdating ng buwan ng Hulyo, binalita sa akin ng isa kong pinsan na nag-aaral sa paaralan na aking inaplayan na nakita niya ang aking pangalan sa mga nakalista na nakapasa sa scholarship pati na rin ang dalawa kong pinsan. Labis ang aking tuwa ng malaman ko na makapag-aral na ako sa kolehiyo. Ngunit sa kabila ng katuwaan ay may mga pangamba pa rin akong naramdaman. Ang nakokober lang ng scholarship ay ang tuition fee. Kaya problema pa rin para sa'kin kung saan ako kukuha ng aking pang-allowance at pang-upa ng boarding house dahil medyo malayo ang paaralan sa aming bahay. Nagreprisenta ang aking pinsan, anak ng aking kinikilalang magulang, na magpapadala siya ng isang libo kada buwan para sa aking allowance. Tinanggap ko yun kahit alam kong kulang ang isang libo para sa isang buwan.
Di tumuloy ang dalawa kong pinsan dahil maliit lang daw ang scholarship. Ako,sa tumuloy ako sa pag-aaral kahit alam kong mahihirapan ako magbudget ng isang libo sa isang buwan Nag-umpisa ang unang semester at masaya ako na nalampasan ko yun. Sa mga panahong iyon, tinutulungan ako ng dati kong nobyo sa mga bayarin kaya nakapagpatuloy ako. Sumapit ang ikadalawang taon ko sa kolehiyo ay nagkahiwalay kami ng dati kong nobyo. Doble ang sakit na naramdaman ko noon dahil nawalan ako ng tao na akala ko makakasama ko habang buhay at wala na ring tutulong sa akin sa mga gastusin sa paaralan. Mula noon, naghanap ako ng paraan para makapagpatuloy sa pag-aaral. Tumanggap ako ng mga nagpapagawa ng mga proyekto sa aming kapitbahay. Ginagawa ko ang mga proyekto nila tuwing Sabado at Linggo para may pambaon ako sa Lunes hanggang Biyernes. Hindi ako humihingi sa nanay at tatay ko ng pera dahil alam kong wala rin silang maibigay. Minsan kung kukulangin ang budget ko sa isang Linggo, nanghihiram ako ng pera sa kaklase ko. Binabayaran ko lang kapag may pera na ako. Sinubukan kong humingi ng tulong sa aking tunay na ama. Nagbibigay naman siya pero hanggang 700-800 pesos lang binibigay niya kada buwan. Nagpapasalamat pa rin ako sa kanya dahil tinulungan niya pa rin ako kahit may iba na siyang pamilya.
Pagdating ko sa ikaapat na taon, lalo akong nahirapan dahil marami nang mga bayarin lalo na sa research at practice teaching. Minsan naiiyak na ako pero tinatago ko lang. Sa awa ng Diyos, matagumpay akong nakapagtapos ng kolehiyo. Sa wakas natupad ko rin ang inaasam kong pangarap. Hindi man naging madali ang aking paglakbay patungo sa aking pangarap, labis ang aking kasiyahan dahil hindi ako pinabayaan ng Diyos.
Kaya para sa mga kabataang may pangarap, patuloy lang sa pag-abot. Hindi natin maiiwasan ang mga problema pero kapag magpursige ka, makakamtan mo rin ang hinahangad mong tagumpay. Wag lang susuko sa anumang hamon sa buhay. Sabi nga nila, "kapag gusto may maraming paraan". Wag din kalimutan na manalig sa Maykapal. Sigurado akong tutulungan ka Niya sa iyong paglakbay patungo sa iyong inaasam na pangarap.
Bago ko tatapusin ang aking blog, nais ko munang magpasalamat sa lahat ng suporta na inyong binibigay sa akin. Maraming salamat po sa inyong lahat lalong-lalo na ang aking mga sponsors. Salamat din ng marami kina @Sequoia at @Marinov sa pagrenew ng kanilang sponsorship.😊
Hanggang sa susunod.🥰
Ang lead image ay aking gawa gamit ang Canva app.
Super inspiring po nitooo huhu. Nakakamangha po kayooo. Sa gitna ng khirpan, nagawa nyo parimg makapagtapos ng kolehiyo.