Huwag mong hayaan na ang mga sana mo’y manatiling sana lang. Gumising ka sa umaga. Bumangon ka matigas man o malambot ang ‘yong kama. Lagyan ng laman ang sikmura –punuin mo ang sarili mo ng pag-asa. Kulang man ang saya o kapos ka pa sa pahinga, gamitin mo ang maghapon para lumapit patungo sa’yong sana. Papunta doon sa pangarap mo. Doon sa matagal nang nais ng ‘yong puso. Malawak man at kumplikado ang mundo, bumuo ka ng mga plano. Ilista mo ang mga lugar na gusto mong marating. Tandaan mo ang mga bagay na gusto mong maangkin. Pangakuan mo ang ‘yong sarili, na gagawin mong posible ang akala nila’y hindi. Pagkatiwalaan mo ang mga kamay mong pursigidong gumawa, ang mga paa mong tumitindig kahit pagod na. Ang puso’t isip mong kinakaya pa, at ang buo mong pagkatao na lumalaban pa. Sa pagkakataong ito, magtiwala ka sa sipag mo’t abilidad. Magtiwala kang balang araw, ang sana mo’y magiging reyalidad. Dahil kaya mo. Kakayanin mo.
Log in to join in Reading is open to everyone. Replying needs an account.
No comments yet