Ito na siguro ang reyalidad, Na habang pausad ay nakakapagod na rin ang magpaliwanag. Kung bakit may lungkot na sa mata na naaaninag— At sa kung bakit may bigat nang hindi matibag. Madalas, nagiging sinungaling na ang tugon. Sa sagot na "ayos lang". Huwag kang mag-alala, "kaya pa naman"— Malakas ako, "para iyon lang". Hindi na matawag ang gabi bilang pahinga. Parang nakapikit lang ngunit naglalakbay pa rin sa kawalan ang diwa. Nagtatanong, nanghihinayang, ginagambala ng mga paano kung at sana, nananaginip— Gising na gising sa labis na pag-iisip. Kasabay na rin siguro ng pagbabago, Ang madalas na hindi pagsabi ng totoong nararamdaman. Kaya bago pa man husgahan, hindi ito kaartehan— Sapagkat lahat naman ay may kani-kaniyang dahilan. Siguro mauunawaan mo lang— Kapag ito'y iyo nang naranasan. YT: https://youtube.com/channel/UCvSaJ07Cbzl2-rpub3wjDEw IG: https://instagram.com/_tintalata_?utm_medium=copy_link
No comments yet