Sanaysay Sabi nila ang bagong taon ay sumisimbolo sa pagbabago o panibagong taon na maaaring makapagpabago sa buhay at katayuan ng isang tao. Marami ang nagdiriwang sa pagsalubong ng panibagong taong ito , sa pagbabakasakali ng pag asa at magandang taon. Ngunit bakit tila ang pag asa na dulot ng bagong taon ay naging takot at pighati sa bawat matanda at kabataan?Bakit tila isang kandilang inuupos ng apoy ang bawat tahanan sa bawat araw na dumarating? Ang ating bansa ay humaharap sa isang napakabigat na suliranin na kung saan ang lahat ay tila nauubusan ng pag asa at ngiti sa mga labi. Isang koronang nakamamatay at nakahahawa ang tatapos ba sa ating bansa? Hindi, pagkat simula palamang ito ng ating kalbaryo. Ang bawat may katungkulan ay nagsisisihan , nakikipag kompetensya at nag aaway away imbis na isang tabi ito para sa ikagagaan ng kalbaryong pasan pasan ng bawat mamamayang Pilipino. Ang ilan ay sang ayon sa gobyerno ang ilan ay hindi , ang pagka demokrasya ba ng bansang Pilipinas ang papatay sa atin? Pagkat ang bawat isa ay may salita , ang bawat isa ay may sumasang ayon at di sumasang ayon , paano mapagtatagumpayan ng pandemyang ito kung walang pagkakaisa ? Sa panahon ngayon walang dilaw , asul at pula ang mas nakakalamang, pagkat higit ano pa man ang mas mahalaga at dapat pagtuunan ng pansin ay kung paano matutulungan ang bawat pamilyang nagugutom at naghihinagpis . Walang pulitika ,o kaaway ang dapat manaig , kundi ang pusong handang makinig at kamay na handang tumulong sa bawat mamamayan . Ang katigasan ng ulo ay di kailanman mag dudulot ng kabutihan kundi ng kapahamakan . Kaaway mo man , oh di mo gusto kung para sa mamamayang Pilipino at makatutulong sa lahat ay dapat nating suportahan at sundin . Sa panahon ngayon ang malakas na sandata ng bawat isa ay ang pananalangin sa Diyos, pagtitiwala sa nakatataas, at pagtutulungan, kung kaya't ang bawat isa ay dapat na magtulungan at makinig at lalong lalo ng sumunod sa ikaayos ng ating bansa. Tandaan natin ang dilaw , asul at pula ay nasa kulay ng ating pambansang watawat , kung kaya't walang dilawan, asul at pula na dapat magbangayan at magtalo kung di dapat at marapat ay magtulungan para sa ating bansang Pilipinas . At tayong mga mamamayang Pilipino ay kailangang sumunod at magtiwala sa mga taong walang ibang nais kundi ang mapabuti tayo . Nakakagawa man sila ng pagkakamali tandaan natin na isa lang din silang tao , kung kayat huwag silang bangayan at kawalan ng respeto , kundi tulungan din natin silang ibangon ang ating mga sarili . Ang korona ay mabubuwag kung lahat ay sa sasama samang mananalangin at magtutulungan para sa ikabubuti ng lahat.
Log in to join in Reading is open to everyone. Replying needs an account.
No comments yet