read.cash Log in
@RoninTenebris more from that month

Tainga Mo! Ni: Ronin Tenebris Ilang gabi nang hindi nakakatulog nang maayos si Harold. Gabi-gabi na lang siyang nananaginip na may marami siyang tainga. Hindi naman niya alam kung ano ang dahilan noon, pero, natatakot siyang sabihin iyon sa iba. “Tiyak na pagtatawanan lang nila ako. Akalain mo iyon, isang bingi, madalas na nananaginip na may marami siyang tainga?” sabi niya sa kaniyang sarili. Naisip niyang magiging tampulan na naman siya ng tukso kapagka ganoon. Isang gabi, habang himbing si Harold sa kaniyang pagtulog, naalimpungatan siya. Nagpalinga-linga siya’t agad na nagtaka dahil may mga tao sa kaniyang paligid. Nakaupo sila’t nakapalibot sa mesa habang kumakain. Hindi niya iyon kilala, pero, lahat sila ay parang masayang-masaya habang nakatingin sa kaniya na animo’y tinutukso siya. Noong akmang lalapitan iyon ni Harold, nagulat siya dahil bilang nawala ang mga taong iyon. Napatitig siya sa mesa at mas nagimbal siya nang makita nagkalat doon ang mapupulang dugo. Mas lalo pa siyang lumapit doon at nanlumo siya sa kaniyang nakita. “Mga tainga! Ang daming tainga!” Sa hindi niya malamang dahilan, nakaramdam siya ng kagalakan sa kaniyang puso. Walang pag-aalinlangan niyang pinulot nang isa-isa ang mga taingang iyon. “Ang daming tainga! Parang langit ang ganitong tagpo!’ nakangising saad ni Harold. Inamoy-amoy pa niya ang mga duguang tainga at saka nagpasya nang umalis doon habang dala ang mga napulot niya. Nagpatuloy siya sa kaniyang paglalakad hanggang sa makarating siya sa kaniyang silid. Walang paglagyan ang tuwa niya nang ilatag niya ang mga duguang tainga na iyon sa kaniyang higaan. Noong hihiga na sana si Harold, bigla siyang nanginig. “P-panaginip lang pala. Pero bakit parang totoo?” sabi niya sa kaniyang sarili. Nakaamoy siya noon ng malansang samyo, pero, hindi niya iyon inintindi. Dahil nakaramdam na siya ulit ng antok, nagpasya si Harold na bumalik sa kaniyang pagtulog. “Bakit kaya parang naging kakaiba itong higaan ko?” tanong niya sa kaniyang sarili. Nagpatianod siya sa antok na kaniyang naramdaman hanggang sa tuluyan na siyang makatulog. Subalit, makalipas lang ang ilang sandali, muli siyang nagising. Nagpalinga-linga siya sa kaniyang silid, at laking pagtataka niya noong naroon ang kaniyang mga kasamahan sa boarding house. Habang nakatitig siya sa mga iyon, umagaw sa kaniyang pansin ang mga tainga nila. Nagsimula nang manginig ang buong katawan ni Harold. Parang may nais siyang gawin. Parang may nais siyang kunin sa mga iyon. Walang ano-ano, lumapit sa kaniya ang isa niyang kasama at may dala iyong kutsilyo. Ibinigay niya kay Harold iyon at saka inilapit din dito ang kaniyang tainga. “Sige, kunin mo na.” Napangisi si Harold nang marinig niya ang boses ng kaniyang kasama. Lalong nanginig ang kaniyang mga kamay noon nang mahawakan niya ang tainga noon. “Ang lambot!” Dahan-dahang inilapit ni Harold ang patalim sa tainga ng kasama niya at saka walan pag-aalinlangang hiniwa iyon. “Sige lang! Kunin mo ang tainga ko!” Agad na hiniwa ni Harold ang tainga noon at saka tiningnan ang dugong tumutulo sa pinagpingasan niya ng tainga. Hindi pa nakuntento si Harold, kinuha pa niya ang isa pang tainga ng kasama niya. Nang mga panahong iyon, tila nainggit ang iba niyang kasama sa boarding house. Isa-isa silang lumapit at saka nakiusap na pingasin din ang kanilang tainga kay Harold. Kahit na hindi naririnig ng lalaki ang hinaing ng kaniyang kasama sa boarding house, masayang-masaya siya habang hinihiwa ang mga tainga ng kaniyang kasama. “Ang saya nito! Sari-saring tainga!” wika niya sa kaniyang sarili. Noong makuha na niya ang lahat ng tainga ng kaniyang mga kasama, bigla silang nagsayawan. Nanood lang sa kanila si Harold, habang masayang-masaya na inisa-isang tingnan ang mga taingang nakuha niya at halos sumabog na sa tuwa ang kaniyang puso. Kumikislap ang kaniyang mga mata habang pinagmamasdan ang mga iyon. Dahil sa labis na kagalakang natatamasa niya, parang dinalaw siya ng antok. Inilagay niya sa kaniyang higaan ang mga taingang nakuha niya at saka nahiga roon. Nang nakahiga na siya, tiningnan niya ang mga kasama niya sa boarding house na sumasayaw, hanggang sa naipikit na niya ang kaniyang mga mata. Walang ano-ano, nakaramdam siya ng likidong dumampi sa kaniyang balat. Sa hindi inaasahan ni Harold, nagising siya. Nagpalinga-linga siya at saka napansin niyang sa sahig pala siya nakahiga. “M-mabuti naman at panaginip lang ang lahat ng iyon.” Napahawak siya sa kaniyang tainga dahil baka ang tainga pala niya ang nawala. Napabuntong-hininga na lang siya noon nang mawaring naroon pa rin ang dalawa niyang tainga’t hindi napingas. Nagpasya si Harold na lumabas at tumungo sa banyo. Habang papalapit siya nang papalapit sa pintuan ng kaniyang silid, palakas din nang palakas ang tibok ng kaniyang puso. Hindi niya alam kung ano ang dahilan noon, kaya, isinawalang bahala niya. Pagkabukas na pagkabukas niya ng pinto, nagtaka siya dahil walang katao-tao roon. Napaisip siya kung saan napunta ang kaniyang mga kasama. “Makaihi na nga lang,” wika nito sa kaniyang sarili. Pagkatapos niyang umihi, agad siyang lumabas sa banyo. Pagkalabas na pagkalabas niya, nagulat siya dahil may mga mabibilis na yabag siyang narinig. Pagkarating ni Harold sa sala, napanganga siya nan makita ang kaniyang mga boardmate. Nakangisi nang nakakaloko sa kaniya ang mga iyon at kapansin-pansin din ang dugo sa kanilang mga damit. “Anong nangyari sa inyo?’ Nagtaka si Harold, subalit, noong lumapit sa kaniya ang isa niyang boardmate, halos manlumo siya nang makitang wala na iyong tainga. Napatitig si Harold sa iba pa nilang kasama at nagimbal siya nang mawaring lahat pala sila ay walang tainga. “Hindi ka pa ba masaya?!” Lumapit ang dalawang kasama niya sa kaniya, inakay nila ang lalaki patungo sa silid nito. Pagkarating na pagkarating nila ang loob noon, agad na ipinakita nila kay Harold ang maraming tainga na nakalatag lang sa kaniyang higaan. Nanginig ang mga kalamnan ng lalaki, naalala niya ang kaniyang mga panaginip tungkol sa kakaibang pagnanasa niya at saka ang paghiwa niya sa mga tainga. “A-ako ang gumawa nito? P-paanong—“ Hindi makapaniwala si Harold. Tumulo ang kaniyang luha dahil hindi niya aakalaing magagawa niya ang karumaldumal na bagay na iyon. “Harold, bakit ka malungkot? Hindi ka ba masaya sa mga nakuha mo. Iyo na ang lahat ng tainga namin. Dapat maging masaya ka na sa tainga mo!” sambit ng isang kasama ng lalaki kahit na hindi naman nito naririnig ang winika noon. Dahil sa sobrang pangingilabot at pagkagimbal, dali-daling kinuha ni Harold ang patalim na nasa higaan niya. Tila may nag-uutos sa kaniyang gawin ang isang bagay. Dahil doon, walang pagdadalawang-isip niyang hiniwa ang sarili niyang mga tainga. Nang magawa na niya iyon, naghiyawan ang mga kasama niya roon. “Harold, ang tainga mo! Ang tainga mo!” Pagkatapos niyang hiwain ang dalawa niyang tainga, ginilitan niya ang kaniyang leeg na siyang naging rason na bawian siya ng buhay. WAKAS

No comments yet

Log in to join in Reading is open to everyone. Replying needs an account.