Gay Stories: Minahal ko si Boss

0 27

Ako si Timmy. Dalawang taon na ang nakalilipas nang makapagtapos ako ng kursong Literature sa isang premyadong unibersidad sa Hilaga. Nang matapos ako sa pag-aaral, nakuha ako agad bilang writer sa “Pen and Paper”, isang sikat na literary magazine at nakilala bilang si Love Arch. Sa loob ng humigit-kumulang dalawang taon, nakagawa na ako nang libu-libong mga tula, daan-daang mga sanaysay, at dalawampung seryenobelang inilimbag, hindi lang sa magazine na pinagtatrabahuhan ko, kundi sa mga sikat na literature websites sa buong mundo. Unti-unting umangat ang aking pangalan at dahil sa karangalang iyon, ay matagumpay akong nakapaglabas ng isang librong nobela ng pag-ibig na sobrang tinangkilik ng aking mga masusugid na mambabasa sa magazine.

Sa totoo lang, hindi ko pa naranasan ang mga nakakakilig na eksenang gawa-gawa ng aking imahinasyon. Minsan nga, nagbiro ang mga katrabaho ko na humanap na raw ako ng prospect na magmamahal sa akin. Pero ang lagi kong sagot sa kanila – “Naku, OK lang akong mag-isa, kaysa masaktan pa ako sa pagkakamaling gagawin ko.” Nanatili ang mga katagang iyon hanggang sa dumating sa buhay ko si L.A.

Sobrang nakakapagod at bad trip ang Lunes ng hapon. Halos maidlip ako sa loob ng aking opisina nang may kumatok sa pinto.

“Excuse me, eto po ba ang office ni Love Arch?”

“Pasok!” sagot ko sa nagtanong mula sa labas ng pintuan.

Pumasok ang isang maputing lalaki, may katangkaran, at mukhang mahiyain. Pumasok siyang medyo nakayuko at tila nahihiyang humarap sa akin.

“Sino ka?”

“Ako po si Lester Angelo Fuentes. Bago pong writer dito sa ‘Pen and Paper’.”

Naiilang ako sa mga taong nakatungo sa akin. Hindi naman ako napakataas na tao para yukuan ng sinuman, kaya sinuway ko siya at sinabi kong tingnan niya ako. Sa pag-angat ng kanyang mukha’y nasilayan ko ang isang mala-anghel na tingin at ang maaliwalas niyang itsura na tila nakapagpalambot sa bato kong araw.

“Yan naman pala e. May itsure ka naman pala eh. Hindi mo kelangang yumuko.”

“Ganun po ba? Kayo rin po naman, cute po pala kayo.”

Nagulat ako sa sinabi niya. Hindi ko alam kung ang narinig ko ay totoo o gawa lang ng inaantok kong utak.

“Anong kelangan mo sa ‘kin?”

“Ako po yung magiging trainee na in-assign po sa inyo.”

“Ah, ikaw pala yun. Sige, upo ka muna Lester Angelo…”

“…L.A. na lang po.”

“Sige L.A., please sit down. Sasabihin ko kung ano ang mga maitutulong mo sa akin at kung ano ang mga dapat mong matutunan sa mga trabaho natin dito sa Pen and Paper…”

Sa halos isang buwan at sa araw-araw na papasok ako, lagi siyang nakadikit sa akin at sinusundan ako sa lahat ng mga pupuntahan at mga gagawin ko sa opisina. May oras na kapag tinuturuan ko siyang hubugin ang kanyang pagsusulat, ay para lang kaming magkabarkadang nagba-bonding sa isang masayang activity. Mas palagi ko nga siyang kasabay sa pagkain ng lunch at dinner sa paborito kong fastfood store. Ayaw ko ring pino-“po” niya ako dahil magkasing-edad lang kami at hindi naman yun kawalan sa paggalang niya sa akin bilang head writer ng “Pen and Paper”.

Isang gabi, nagsama-sama ang buong pool of writers para mag-enjoy sa nalalapit na paglabas ng sinasabi naming pinakamagandang isyu ng “Pen and Paper”. Nagdiwang kami sa bahay ng aming editor-in-chief na si Jessie at talagang kantahan, inuman, kuwentuhan, at tawanan ang ginawa namin. Tila wala ng bukas ang kasiyahan dahil pagkatapos nito’y abala na naman ang lahat sa mga bagong konsepto ng next issue.

Naglaro kami ng “Share or Dare” bilang bahagi ng aming bonding session. Naglagay sila ng bote sa gitna at pinaikot ito. Kung kanino tuturo ang ulunan ng bote ay siya ang tatanungin ng lahat na parang kriminal na ini-interrogate, pero kapag hindi na-satisfy ang nagtanong sa sagot, ay magpapagawa ang lahat ng “dare” na gagawin nito sa isa sa amin.

Sa pagsisimula ng laro, unang tumutok ang bote sa pinakabagong naming miyembro na si L.A. Ako naman ang masuwerteng unang nagtanong sa kanya.

“Yung totoo lang, may natutunan ka ba sa ‘kin?”

“Marami akong natutunan sa’yo at parang naging makulay ang mga ideya ko sa pagsusulat. Salamat talaga.”

Naghiyawan ang aming mga kasamahan at nagtawanan nang marinig nila iyon.

Sumunod na nagtanong si Jessie. “L.A., kanino mo idinde-dedicate ang pinaka-una mong published article sa ‘Pen and Paper’?”

Sa tinagal ko sa Pen and Paper ay ngayon lang kami nagkaroon ng isang trainee na sa kaunting panahon pa lang ng pananatili sa magazine ay matagumpay na nakapagsulat ng isang magandang artikulo. Sabi nga ni Jessie,napakaganda ng pinasa nitong article at walang dudang mas gagaling pa siya kapag nahasa pa nang husto. Pero ang kataka-taka, hindi man lang pinabasa sa ‘kin ni L.A. yun.

“Yung article na ‘yon ay para sa taong lalong nagpasigla sa hilig ko sa pagsusulat… at nagpasigla ng nananahimik kong mundo… siguro malalaman n’yo na lang ‘pag lumabas na yung magazine sa Monday.”

Na-curious ang lahat sa sinasabi ni Jessie na “napakagandang article” ni L.A., at maging akong nagsanay sa kanya ay nahiwagaan sa kanyang itinatago. Ngumingiti-ngiti lang si Jessie dahil siya lang sa lahat ang nakabasa non.

Ang sunod naman na nagtanong ay ang writer assistant ni Ms. Greta na si Aliya. “Anong impression mo kay Boss Timmy? ‘Di ba lagi kayong magkasama niyan kahit saan?”

Naghiyawan ang mga inutil naming mga katrabaho at tipong kinikilig sa tanong na binitawan ni Aliya. Halatang namula si L.A sa tanong at ako nama’y ngumiti lang sa kalokohang pinag-iisip nila. Naramdaman kong nahihiyang sagutin ni L.A. ang tanong kaya pinagpasiyahan ko munang lumabas para hindi marinig ang kanyang sasabihin.

“Boss Timmy, wag kang lalabas! Dapat nga marinig mo yung sasabihin ng trainee mo eh!” giit ng isa naming senior writer na si Anthony.

Sumang-ayon ang halos lahat sa sinabi ni Anthony na kelangan kong marinig ang sagot ni L.A. Patuloy pa ring nakayuko sa gitna ng malalakas na asaran si L.A.

“Nahihiya siya eh. Labas muna ako para makapagsalita siya, OK?”

Sa gitna ng pagpipigil sa ‘kin ng ilan naming kasamahan, sa aking pagtayo’y biglang nagsalita si L.A. na ikinagulat ng lahat ng mga naroon.

“Mahal ko na siya… at wala akong pakialam kahit bakla siya. Mahal ko siya.”

Nagulat ako sa katagang sinabi niya at lalong naghagalpakan sa kilig at tawanan ang iba. Sa puntong iyo’y ako naman ang napayuko at namula. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa katawan at bigla akong napatakbo palabas ng kuwartong ‘yon.

Tulala akong nakaupo sa damuhan, sa gitna ng magagandang bulaklak sa hardin ng bahay ni Jessie. Nag-iisip kung kelangan ko bang seryosohin ang aking mga narinig o biruan lang yon na dapat kong ikatawa. Pero ang totoo, dahil napamahal na rin siya sa akin at yun ang unang beses na tumibok ang puso ko nang tulad nito sa isang lalake. Pero kailangan ko yung iwasan – dahil ayokong maramdaman ang nararamdaman ng mga tauhan ko sa aking mga sinulat, ang masaktan dahil nagmahal.

“Timmy…”

Umugong ang isang boses mula sa aking likuran… si L.A. Nahihiya akong lingunin siya dahil hindi rin ako makakatingin sa kanya nang maayos. Nagulat ako dahil ilang sandali lamang ay niyakap niya ako nang mahigpit.

“Hindi ko lang napigilan ang totoong nararamdaman ko. Hindi ko alam kung bakit at paano, pero maniwala ka, mahal na kita.”

Tumulo ang aking luha sa aking mga narinig. Hindi ko akalaing ang isang taong tulad ko’y makakapagpaibig ako ng isang tulad niya.

Hindi ako makakilos sa mga pangyayaring nagaganap. Hinawakan niya ang aking kamay at hinalikan iyon at tila naramdaman ko ang init ng pagmamahal na nararamdaman ko lang sa ‘king mga sinusulat. Hindi ko napigilan ang pagpikit ng aking mga mata at dinama ang kanyang yakap ng tunay na pagmamahal…

… at tuluyan akong nagising sa alarm ng aking cellphone. Dumilat ang aking mata na iniisip ang panaginip na iyon.

“Uy Timothy Obrecillo! Baklang ‘to! Ilusyonado! Gising na! Panaginip lang yun!” ang aking sinasabi habang sinasampal-sampal ang aking pisngi para magising. Pagkatapos non ay lumingon ako sa orasan – 5:05p.m.

“Out na pala.”

Ihahanda ko na ang aking sarili at ang aking mga babasahing mga artikulo nang may kumatok sa labas ng aking opisina.

“Pasok!” – si Sir Jessie pala yon.

“Mukhang pagod ka ah!”

“Oo nga po Sir Jessie. Nakaidlip nga ako e.”

“Mukha nga, may muta ka pa,” ang nakakatawang banat ni Sir Jessie sa akin. “Anyway, may papabasa ako sa’yo! Well, for me, this piece is definitely superb, pero mas magaling ka sa creative story writing kaya kukunin ko ang opinyon mo.”

“Contribution?”

“Oo, galing sa applicant na gustong pumasok na writer dito.”

Inabot sa akin ni Jessie ang envelope na naglalaman ng nasabing artikulo.

“Nasa labas ng office yung nagsulat niyan. Papasukin ko ba?”

“Sige. Ayos lang.” Pinapasok ni Jessie ang nasabing nagsulat ng artikulong iyon. Pumasok ang isang maputing lalaki, may katangkaran, at mukhang mahiyain. Pumasok siyang medyo nakayuko at tila nahihiyang humarap sa akin.

“Anong pangalan mo?”

“Ako po si Lester Angelo Fuentes. Nag-a-apply pong writer dito sa ‘Pen and Paper’.”

Nagulat ako sa kanyang narinig – Lester Angelo Fuentes. Parang pamilyar.

Dahil naiilang ako sa mga taong nakatungo sa akin, sinuway ko siya at sinabi kong tingnan niya ako. Sa pag-angat ng kanyang mukha’y nasilayan ko ang kanyang malaanghel na tingin at ang maaliwalas nitong itsura… na siyang ikinagulat ko.

Agad kong binuksan ang envelope para makita ang article na kanyang ginawa.

“Title: Loving My Boss. By: Lester Angelo Q. Fuentes.”

Napatingin ako sa kanya. Nakangiti siyang nakatingin sa akin na tila may ibig iparating.

“Sana magustuhan mo, Timmy…”

At sa puntong iyon, ako’y napaluha at agad na tumayo para yakapin ang lalaking nasa aking harapan. Kung totoo na talaga, o kahit isang patong na panaginip na naman ang L.A. na aking niyayakap, ay may napatunayan akong isang bagay – ang patuloy na maghintay at maniwala sa paparating na isang tunay na pag-iibig.

2
$ 0.00

Comments

It's a bengali community year we can not understand other languages. Only Bangla and English and also some one can understand hindi languages. But I don't know what language you used here. Anyways I think I read this article also in English language. All the best.

$ 0.00
4 years ago

Hi buddy I am Bengali. I don't understand your language. I would be very convenientI would be very convenient to red in English.

$ 0.00
4 years ago

The story I don't understand anything. If it is written in English I will understand the story. However thanks for writing this story.

$ 0.00
4 years ago

No worries i will translate it in english

$ 0.00
4 years ago

I already translate that article my friend. Check to my profile

$ 0.00
4 years ago

Ang galing naman ng storya parang wattpad. Minahal si boss!

$ 0.00
4 years ago

Salamat..

$ 0.00
4 years ago

i wish you all the best

$ 0.00
4 years ago

Thanks

$ 0.00
4 years ago

Ang haba basahin.hehe anyway salamat sa pag share nito..kung may magandang aral mas maganda para sa ikakaunlad ng bayan.

$ 0.00
4 years ago

Nice story. Nagustuhan ko sya mula hanggang dulo.

$ 0.00
4 years ago

Napatingin ako sa kanya. Nakangiti siyang nakatingin sa akin na tila may ibig iparating.

$ 0.00
4 years ago

Ang galing naman ng storya parang wattpad. Minahal si boss!

$ 0.00
4 years ago

Ang tunay na pagibig ay wagas ang pagmamahal ng bawat isa. Walang sinuman mapaghihiwalay sa totoo pagibig.

$ 0.00
4 years ago

Ang haba basahin.hehe anyway salamat sa pag share nito..kung may magandang aral mas maganda para sa ikakaunlad ng bayan.

$ 0.00
4 years ago

Grabe! Kakakilig yung story. Straight ako ha pero kinikilig ako, promise. Pang wattpad o ano. Hahahaha. Hindi mo talaga alam kelan darating yung pag-ibig

$ 0.00
User's avatar Ace
4 years ago

Ang galing naman po boss Para Lang ako nababasa ng wattpad. Boss pweding pang, wattpad ang ganda

$ 0.00
4 years ago