Filipino Toxic Trait: 'Ningas- Kugon'

10 2793
Avatar for Nyctofiles
3 years ago

May New Year's resolution ka ba tulad ng 'magda-diet na talaga ako','mag- eexercise na ako araw-araw', o 'mag-iipon na ako ng pera' na nasimulan mo na at hindi na naipagpatuloy at kinalimutan nalang?

Naging interesado ka ba sa isang bagay gaya ng pag-eensayo sa arts, pagsusulat, pag-aaral ng bagong instrumento pero nawalan din ng gana at interes no'ng tumagal at hindi na tinuloy?

Kung oo ang iyong sagot, malamang baka isa ka rin sa mga taong ningas-kugon.


Kilala tayong mga Pilipino at ang ating bansa dahil sa ating makulay at sari-saring kultura, sa ating asento na isa sa mga "sexiest accent" sa mundo, sa ating magagandang pasyalan at destinasyon, masasarap at kakaibang pagkain, at sa ating talento at kakayahan sa iba't ibang larangan na nakikilala sa mundo at marami pang iba

Sa kabila ng mga ating magagandang katangian, mayroon din tayong mga hindi kanais-nais na mga kaugalian. Isa sa mga ito ay ang ningas-kugon.


Ang Ningas-kugon

Damo na kugon na nasusunog.

Ang kugon ay isang uri ng mataas na damo na kung masunog ay malakas at mabilis magsiklab. Sa kabila nito ay mabilis din mamatay ang ningas nito. Ang pinagmulan ng "ningas-kugon."

Ang ningas-kugon ay sosyo-kultural na ugali nating mga Pilipino (karamihan, hindi nilalahat) na namana pa sa mga mananakop na kung saan masigasig lang sa isang bagay sa simula at mawawalan din nang sigla at gana kalaunan hanggang sa huminto o itigil ito.


Ang Aking Karanasan

Mapa-saang probinsya man sa Pilipinas or kahit anong taon, simula pagkabata ay naoobserbahan at nasasaksihan ko na ang di kaaya-ayang katangian na ningas-kugon sa aking paligid, sa taong nakapalibot at malapit sa akin, at sa aking sarili.

Karanasan sa Aking Paligid

Inabandona.

Kinalimutan.

Nakakawalang-gana

Isinantabi.

Hindi ikaw ang aking inilalarawan sa mga salitang iyan kundi ang mga proyekto, aktibidad, at gawain na bunga ng ningas-kugon sa aking paligid.

Kalimitan kong napapansin ang negatibong katangiang ito sa aking paligid lalo na sa mga proyekto paaralan at sa komunidad.

Naalala ko noong nasa elementary school pa lang ako, kailangan naming gumawa ng plot para taniman para sa proyekto namin sa Edukasyong Pantahanan at Pangkabuhayan (EPP). Sa simula, ang buong klase ay alagang-alaga sa mga tanim at grabe ang pagbantay sa kanilang plot. 'Yong mga kaklase ko ay nagpapahapon pang umuwi para asikasuhin mga pananim nila. Pagkalipas ng ilang linggo, napapansin kong nababawasan na mga kaklase kong interesado lalo na n'ong may grado na kami. Karamihan sa kanila ay pinabayaan nalang ang plot nila hanggang mamatay ang halaman na gulay.

May pagkakataon din noong nasa Junior High School pa ako, 'yong Youth for Environment in School Organization (YES-O) sa amin ay namumulot ng basura sa campus kada uwian araw-araw. Hindi rin tumagal, paunti-unti ang miyembro ng club na namumulot ng basura hanggang sa tumigil nalang din ang lahat.

Noong nakaraang taon, sa simula ng lockdown ay may mga barangay tanod sa amin na gabi-gabing nagpapatrolya. Sinasaway nila o hinuhuli ang mga tumambay pa rin sa labas kahit lumagpas na sa curfew hours. Hindi pa umabot nang ilang linggo ay paminsan-minsan nalang hanggang tuluyang natigil nalang. Gaya nga ng sabi ng iba, sa una lang strikto ang aksyon ng mga otoridad sa pandemya.

Ang mga iyan ay ilan lamang sa aking mga napansin na manipestasyon ng kaugaliang ningas-kugon sa aking paligid.

Karanasan sa Taong Malapit sa Akin

Gitarang maalikabok.

Alkansyang wasak.

Files na na-delete.

Ilan lamang sa mga bagay na nag-ningas ngunit di rin tumagal ang alab at namatay.

"Mag-aaral na ako ng gitara, " wika ng aking kaklase. Inaral, nag-ensayo at pinagkaabalahan ang bagong instrumento. Kalauna'y nahirapan hanggang mawala ang interes at gana. Ang gitara ay napabayaan sa tabi hanggang ang alikabok ay namayani.

"Mag-iipon na ako ng pera," sabi ng aking nakababatang kapatid. Araw-araw naghulog ng piso, lima o tres. Hindi nagtagal, alkansya ay kanyang sinira para ang pera ay makuha. Hindi na rin muling nag-ipon, alkansyang wasak ay tinapon.

"Mag-aadvance study na ako,"pahayag ng aking malapit na kaibigan. Nag-download ng review materials (PDF) na related sa kurso napusuan. Ang mga ito ay kanyang pinagtyagaan, binasa, at inaral. Nahirapan din at tumigil hanggang mga PDF ay binura.

Marami pa akong kilalang malapit sa aking kinakitaan ko ng kaugaliang ningas-kugon na hindi ko kayang isa-isahin pa.

Karanasan sa Sarili

Kung may kumpetisyon lang ang pagiging ningas-kugon, paniguradong ako ang kampeon ngayong taon.

Maraming pagkakataon na sa aking buhay na ako ay naging isang ningas-kugon o baka ito nga talaga ay aking personalidad lalong lalo na noong nakaraang taon hanggang ngayong taon. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mahabang listahan.

Kasalukuyang nasa Grade 12 ako kaya noong sa kalagitnaan ng 2020,binalak ko mag-review at advance study para mahasa ko ang kahinaan ko sa Matematika at maging handa sa kolehiyo. Maganda itong plano dahil mahihirap-hirap ang kursong Engineering na aking napili. Mga ilang linggo lang akong nag-aral at hindi na muling binasa ang mga libro.

Noong lumabas ang noise. cash, sobrang aktibo ko pa doon. Pero habang dumadaan ang mga araw, nauubos rin ang interes ko. Itinigil ko ang paggikit nito na ngayong pinagsisisihan ko.

New Year's resolution ko ngayong taon ay ang regular na pag-eehersisyo at pagkain ng masustansyang pagkain. Noong simula ng Enero, nag-jogging ako araw-araw mga anim na beses lang yata at hindi na naulit. Ganun rin ang nangyari sa usaping pagkain.

Ang pagiging ningas-kugon ay kadalasan kong nakikita, kahit saan man ako tumira o kahit anong edad ko. Lagi ko itong naoobserbahan sa aking paligid, sa mga taong nakapalibot sa akin, at sa aking sarili.


Ang Negatibong Epekto

Ang ningas-kugon ay isa sa mga negatibong kaugalian nating mga Pilipino kaya malamang ay marami rin itong negatibong epekto.

Maraming Masasayang

Maaaring masayang ang iyong limang P: ang panahon, plano, pagod, proyekto at pera.

"Time is gold," ika nga nila kaya ang oras ay napakahalaga. Ito ay napakahalaga at hindi na maiibabalik pa kaya huwag dapat sayangin tulad ng pagiging ningas-kugon. Ang oras na inilaan natin sa isang bagay ay parang mapupunta lamang sa wala kung hindi naipagpatuloy o natapos. Ang oras na nasayang ay nagamit pa sana sa mas mahalagang bagay.

Ang plano rin ay masasayang lamang kung hindi gagawin o ipagpapatuloy.

Ang proyekto rin ay mapupunta sa wala kung hindi tatapusin. Hindi natin makikita ang resulta nito o kahihinatnan.

Ang ating effort at pagod ay walang patutunguhang magandang resulta kung aabandunahin lang ang ating nasimulan.

Ang pera ay masasayang lang din lalo na kung gumastos tayo sa isang bagay na sa kalaunan ay hindi na ipagpapatuloy o tatapusin.

Negatibong Imahe

Ang pagiging ningas-kugon din ay maaaring magdulot ng pagkatamad.

At isa pa, ang ningas-kugon na tao ay hindi na mapagkakatiwalaan at aasahan ng ibang tao sa mga bagay tulad ng aktibidad at proyekto.

Dahil sa negatibong kasanayan na ito ay maaaring magkaroon ng negatibong imahe ang isang tao na may marami ring negatibong kahihinatnan tulad pagkawala ng oportunidad at hindi magandang relasyon at koneksyon sa mga tao.

Matatagalang Gawain at Di Magandang Resulta

May mga bagay talaga na wala tayong magagawa kundi gawin ito tulad ng mga gawain sa trabaho o simpleng proyekto at awtput lang para sa eskwelahan.

Ang mga bagay na ito ay hindi pa rin makakaiwas sa ningas-kugon.

Ang nga gawaing ito ay hindi matatapos sa deadline kung sa simula lang masigasig gawin at titigilan din. Mapipilitan nalang ituloy dahil malapit na ang deadline at kadalasan ay nahuhuli pa sa pagpasa.

Dahil din sa cramming at pagmamadali sa pagtapos ng mga gawain ay maaaring hindi maganda ang resulta o final product na ating ginawa.


Ang Ating Laban

Marami sa ating Filipino ang ningas-kugon pero marami ring paraan para iwasan at labanan nito.

Tumanggap at Magbigay ng Papuri

Kung tayo ay marunong magbigay ay tumanggap ng papuri, ito ay magbibigay mg motibasyon at lakas sa atin magpatuloy. Mahalaga ito para hindi mawalan ng gana at interes sa isang bagay upang matapos ang sinimulan at may mas magandang resulta pa.

Purihin din ang ibang tao para magkaroon sila ng sigla at gana sa kanilang ginagawa.

Kahit ang simpleng mga salita ay may malaking epekto. Kaya gamitin ito oara sa kabutihan ng iba.

Manalamin sa Epekto at Matuto

Alamin ang nagatibong epekto ng pagiging ningas-kugon sa ating mga gawain, sa taong nakapalibot sa atin, sa ating imahe at sarili. Manalamin sa mga negatibong epektong ito upang maganyak ang sarili na umiwas sa pagiging ningas-kugon.

Matuto rin sa mga pagkakataon sa nakaraan na ikaw ay ganito o sa mga taong nakapalibot sa iyo na may ganitong kaugalian.

Alamin ang Sarili

Mabuting makilala natin ang ating sarili upang malaman natin ang ating interes, mga bagay na gusto at mahal natin, at ating lakas at kahinaan.

Sa pamamagitang nito, maiiwasan natin ang mga bagay na hindi natin gusto o hindi pinagkakainteresan na magdudulot sa atin sa pagiging ningas-kugon.

Tamang Pag-uugali at Magbago

Hindi lang dapat ang pagiging ningas-kugon ang ating baguhin pati na rin dapat ang mga ugaling ugat at dahilan nito.

Maging disiplinado sa sarili. Mahalaga ang disiplina para maging consistent sa ginagawa at maging malapit sa layunin.

Iwasang maging tamad. Dapat tayong maging masipag para matapo natin ang mga gawain.

Maging Mas Matatag

Maraming hindi itinutuloy at tinatapos ang mga bagay dahil natatakot, nahihirapan, at hindi nakakakita ng progreso sa ginawa. Mahalagang hindi magpaapekto sa mga ito para maituloy ang ginagawa.

Marami akong napansin sa site na ito na ningas-kugon. Sa unang sali palang nila ay ganado na sila magpost.Pero nang hindi nila nakikita ang progress gaya ng pabuya ni TRR, tumigil na agad sila dito.

Mahalin ang Ginagawa at Sarili

Mahalagang mahal natin ang ating ginagawa para magpatuloy. Kung mahal natin ang isang bagay, hindi tayo agad-agad mawawalan ng interes at gana rito.

Mahalin din natin ang ating sarili para mas maganyak tayong maipagpatuloy ang mga bagay lalo na kung ito ay para sa ating kabutihan at kaunlaran.

Ilan lamang iyan, marami pang ibang paraan para labanan ang ningas-kugon na kaugalian. Nakadepende rin iyan sa tao, sa sitwaayon at sa bagay-bagay.


Marami sa ating mga Pilipino ay ningas-kugon. Marami itong negatibong epekto pero may mga paraan para iwasan at labanan natin ito.

Ningas-kugon ka ba? Ano ang iyong mga karanasan tungkol dito? Ano ang masamang kinahinatnan mo at ng mga gawain mo dahil sa negatibong ugaling ito? At paano mo ito nilalabanan?


Ito ang kauna-unahang artikulo ko sa read. cash na nasa wikang Filipino. Gusto kong gamitin ang wika natin dahil tugma ito sa paksa at ang sulating ito ay para sa mga Pilipino.

Marami pa kayong dapat abangan sa usaping ito.

Salamat sa aking mabait na sponsor @wakeuplincs dahil sa kanyang akda ay mas naganyak ako na isulat ito sa Tagalog. Salamat sa suporta!


Isinulat ni :Nyctofiles(06/07/2021)

©Larawan mula sa Unsplash at Google

Sponsors of Nyctofiles
empty
empty
empty

7
$ 12.56
$ 12.46 from @TheRandomRewarder
$ 0.05 from @kingofreview
$ 0.05 from @dziefem
Avatar for Nyctofiles
3 years ago

Comments

Yun o. Wala tlga uso ningas kugon kung wala talaga sa loob ng tao na gawin ang isang bagay. :)

May ganyan din ako pero yun nga, ibig sabihin, triny ko lang at di ko nagustuhan. Hanggang dun na lang.

$ 0.03
3 years ago

Masasabing kong mahusay ang iyong pagkakasulat. At tama ka isa talaga sa negatibong mentalidad ng mga Filipino ang ningas-kugon. Hindi ko itatanggi na minsa'y isa rin ako sa nag niningas-kugon. Haha.

$ 0.00
3 years ago

Salamat! Ningas-kugon din ako minsan at sinusubukan iwasan nang tuluyan.

$ 0.00
3 years ago

Very Filipino talaga ang mentality na "ningas-kugon" kahit napakanegative nyan. Aminado ako isa din ako doon hahaha lalo na dun sa "magiipon na ako" hahahaha

$ 0.00
3 years ago

Same same. parang ang hypocrite ko nga eh kasi medyo ningas kugon ako tas may article pa tungkol dyan HAHAHA. may pa advice pa

$ 0.00
3 years ago

I have saved this for rereading!

$ 0.00
3 years ago

Pinahanga mo ako nang tuluyan! isa itong obra maestro! magaling magaling hindi ko aakalain na sobrang galing mong magsulat sa filipino! More!!!

$ 0.01
3 years ago

Salamat talaga!

Hindi namn masyadong magaling, hirap pa nga ako magtrasnlate ng ibang words HAHAHAHA

Try ko rin creative writing na filipino soon.

$ 0.00
3 years ago

Magaling talaga ang pagkakagawa mo ng artikulo! excited akong makita ang gagawin mong filipino creative writing! go go go go!

$ 0.00
3 years ago

Mga tula lang na tagalog soon.

$ 0.00
3 years ago