Takipsilim
Sa pagbungad ng kamalayan Bukang liwayway sa isipan Buhay pa'no ba makakamtan Sa mundong walang katiyakan
Silakbo ng karalitaan Taghoy ng sidhing kahirapan Dumurog sa diwa't kalamnan Tumatak sa puso't isipan Tinik sa kasakdalang buhay May layong maging madalisay Bagkos anino lang dumamay Ni walang naiwang karamay
Umpukan ng pagkakataon Sinaboy, lahat itinapon Hangad ngayo'y di mahagilap Di alam saang alapaap
O loob ng damdami'y panglaw Makulimlim kahit may tanglaw Pilitin may di-abot saklaw Kasiyahan lang tanging sigaw
Sa tuwing palad nati'y bigo Di mapigil, luha'y tutulo Tadhana man ay mapagbiro Isiping lagi'y 'wag sumuko.
No comments yet