Mali bang makaramdam ng pagkabigo sa Diyos? Ang kabiguan sa Diyos ay hindi laging mali o kasalanan; sa halip, ito ay bahagi ng katayuan ng isang tao. Ang salitang kabiguan o pagkabigo ay “Isang kalagayan kung saan hindi nabuo o nakumpleto ang isang kaaya-ayang layunin o minimithing hangarin. Kapag nabigo ang isang bagay, matatalo o mawawala ito. Isa itong pagkukulang o kakulangan at kawalan dahil hindi natupad o naganap ang nararapat sanang nagawa, na maaaring naging dulot ng kahinaan o depekto sa katangian, o kaparaanan sa paggawa.” Sa tuwing inaakala natin na nabigo ang Diyos na ibigay ang ating kasiyahan o hindi natin nakamit ang ating mga inaasahan, ang pagkadismaya ay laging kasunod. Kapag ang Diyos ay hindi kumilos ng ayon sa paraang iniisip natin na dapat Niyang ginawa, tayo ay madaling nagbabago ng pagtingin sa Kanya at hindi nasisiyahan sa Kanyang pagkilos. Ito ay maaaring magdulot ng marupok na pananampalataya sa Diyos, lalo’t higit sa Kanyang Dakilang Kapangyarihan at Kanyang Kabutihan. Kung hindi kumilos ang Diyos ayon sa kung ano ang ating iniisip na dapat Niyang ikinilos, hindi ito nangangahulugan na hindi Niya kayang gawin iyon. Sa halip, pinili lamang Niya na hindi ito gawin. Habang ito ay mukhang hindi makatwiran sa Kanyang bahagi, ang eksaktong kabaliktaran nito ang totoo. Pinipili ng Diyos kung siya ay kikilos ayon sa Kanyang perpekto at banal na kalooban upang maganap ang Kanyang matuwid na layunin. Walang nangyayari na labas sa plano ng Diyos. Siya ang may kontrol sa bawat napakaliit na bagay na lumulutang sa kalawakan at saklaw ng Kalooban ng Diyos ang bawat pagkilos at desisyon na ginagawa ng bawat tao sa buong mundo sa lahat ng oras. Sinabi Niya sa Isaias 46:11, “Na tumatawag ng ibong mangdadagit mula sa silanganan, ng taong gumagawa ng aking payo mula sa malayong lupain; oo, aking sinalita, akin namang papangyayarihin; aking, pinanukala, akin namang gagawin. “ Maging ang mga ibon ay bahagi ng Kanyang plano at noong una pa ay may kapasyahan na Siya. Bukod dito, may mga pagkakataon kung kailan Kanyang pinipili na ating malaman ang Kanyang plano (Isaias 46:10), at may mga oras din na Hindi Niya ito ipinapaalam. Minsan, nauunawaan natin kung ano ang Kanyang ginagawa; minsan naman ay hindi. Isang bagay ang siguradong alam natin: kung tayo ay sa Kanya, anuman ang Kanyang gawin ay para sa ating ikabubuti, maintindihan man natin o hindi ang Kanyang ginagawa sa ating buhay (Mga Taga-Roma 8:28). Ang susi upang maiwasan ang pagkabigo sa Diyos ay ipasakop natin ang ating kalooban sa Kanya at sumunod tayo sa Kanyang Kalooban sa lahat ng bagay. Sa ganito, hindi lamang natin maiiwasan ang mabigo sa Diyos kundi nahahadlangan din ang ating pagmamaktol at pagrereklamo sa mga kaganapan na dumarating sa ating buhay na hindi ayon sa ating kagustuhan. Ang mga Israelita sa disyerto ay nagreklamo at nagtanong sa Diyos sa maraming mga pagkakataon, sa kabila ng lahat ng kanilang nakitang himala ng Kanyang kapangyarihan sa paghati ng Dagat na Pula, sa pagbibigay ng mana at pugo sa kaparangan, at sa kaluwalhatian ng Panginoon na gumagabay sa kanila sa anyong haligi ulap at apoy (Exodo 15–16; Mga Bilang 14:2-37). Sa kabila ng patuloy na katapatan ng Diyos sa kanila, sila ay nagmaktol at nadismaya sa Diyos dahil hindi Siya kumilos ng ayon sa kanilang iniisip. Sa halip na magpasakop sa Kanyang kalooban at magtiwala sa Kanya, sila ay nagpatuloy sa kaguluhan at pagkalito. Kung ating ipinapasakop ating kalooban sa Kalooban ng Diyos kaya nating sabihin tulad ng Panginoong Hesus, “Hindi ang aking kalooban kundi ang Iyo ang maganap” (Lukas 22:42), sa gayon ating mararanasan ang kapanatagan na sinasabi ni Pablo sa 1 Timoteo 6:6-10 at Mga Taga-Filipos 4:11-12. Natutunan ni Apostol Pablo na makuntento kung ano ang ipadala ng Diyos sa kanyang daan. Nagtiwala siya sa Diyos at nagpasakop sa Kanyang kalooban dahil nalalaman niya na banal, matuwid, perpekto, mapagmahal, at mahabagin ang Diyos na kumikilos sa lahat ng mga bagay para sa kanyang ikabubuti dahil ito ang Kanyang ipinangako. Kung sa ganitong paraan natin titingnan ang pagkilos ng Diyos, hindi tayo kailanman mabibigo sa Diyos. Sa halip, tayo ay buong-pusong magpapasakop sa ating Ama sa langit, sapagkat nalalaman natin na ang Kanyang Kalooban ay ganap at ang lahat ng Kanyang ginagawa sa ating buhay ay para sa ating ikabubuti at sa Kanyang kaluwalhatian.
Log in to join in Reading is open to everyone. Replying needs an account.
No comments yet