Para Kay Lola, Ang Ating Unang Tahanan
May mga taong dumadaan lang sa buhay natin. Pero may mga taong nagiging bahay natin — at isa na doon ang lola ko. Simula pagkabata, siya ang unang yumayakap kapag may iyak, unang nagtatanggol kapag napapagalitan, at unang nagdadasal para sa aming lahat. Hindi man siya mayaman sa pera, pero sobra-sobra siya magmahal. Sa bawat luto niyang paborito namin, sa bawat kwento niya tungkol sa dati, at sa bawat paalala niyang “mag-iingat kayo palagi,” ramdam na ramdam namin ang tunay na pagmamahal. Ngayon, wala na siya sa tabi namin. Hindi na namin siya makakasama kailanman dito sa mundo. Masakit. Sobrang sakit. May mga araw na parang gusto mo lang marinig ulit ang boses niya o mahawakan ang kamay niya kahit sandali lang. Pero kahit wala na siya, buhay na buhay pa rin siya sa puso namin. Sa tuwing nagtitipon ang pamilya. Sa tuwing nagluluto kami ng mga paborito niyang pagkain. Sa tuwing nagkukwentuhan at nababanggit ang pangalan niya. Ang lola ko ay hindi lang basta lola. Siya ang ilaw ng tahanan, ang tahimik na bayani, ang pusong hindi napapagod magmahal. Hindi man namin siya makakasama pa kailanman, dadalahin namin ang mga aral niya habang-buhay. Mahal na mahal ka namin, Lola. Hanggang sa muli. 🤍
No comments yet