Tama bang hangaan natin ang bata? Oo Ayos lang bang magtrabaho ang mga bata upang magtaguyod? Hindi Dapat bang i-romanticize natin ang child labor sa bansa dahil sa inspiring ang chapter na ito sa KMJS? HINDI. Matagal nang isyu ang child labor sa bansa, ako nga mismo naranasan ko. Noon akala ko ayos lang, na masaya dahil nakakatulong sa sarili at pamilya, pero ngayong nasa tamang edad at pag-iisip na ako, masasabi kong sa maikling panahon na naranasan kong magtrabaho sa murang edad ay ninakaw ng trabaho ang dapat ay kaligayahan at karapatan ko bilang bata. Na ang nararapat na gawin ng mga bata ay maging bata- magsaya, maglaro, at simulang tuklasin ang sarili at hindi ito sa pamamagitan nang pagtratrabaho o paghahanap buhay. May mga dokumentaryo na tayong napanood patungkol sa child labor, nariyan ang mga batang katutubo na kinukuhang katulong sa murang edad, mga batang maninisid na naghihintay nang baryang itatapon ng mga turista, mga kabataang isinusugal ang buhay sa pagmimina, pangingisda, at masakit pa ang iba ay nagagamit sa pornograpiya upang kumita at iba pa. Sa mga ilang sitwasyon ng child labor na nabanggit, bukod sa kahirapan, ang isang pinakadahilan ay ang kawalan ng pantay na oportunidad sa buhay na dapat naibibigay ng gobyerno sa kanyang mamamayan. Kung susuriin, kahit nga mga nakapagtapos at nakapag-aral hirap maghanap ng trabahong nakabubuhay, paano pa kaya ang mga musmos na bata na ginagawang kasangkapan at ine-exploit nang iilan? Sa ganitong sitwasyon hindi sapat na sabihin nating maswerte tayo sa kung ano ang merong buhay tayo ngayon, na nagpapasalamat tayo na hindi naranasang magtrabaho sa murang edad. Hindi dapat nagtatapos sa pagkaawa ang ating maging tugon sa ganitong mga bagay, at hindi dapat magpatuloy sa pag "roromanticize" sa child labor ang ating tugon. Sa ating pagkamulat sa riyalidad na ganito ang nararanasan ng mga bata at kabataang Pilipino sa bansa, magtatapos ba sa pagkaawa ang ating reaksyon at tugon? Sana'y hindi ang sagot nang karamihan, dahil hindi iisa ang formula sa pag-angat sa kahirapan- nakadepende sa OPORTUNIDAD ng bawat isa ang pag-angat sa kahirapan. Hindi dahil masipag ka ay aangat ka, at hindi lahat tayo ay may oportunidad gaya ni Manny Villar, Pacquiao at iba pa. Nag-uugat ang kahirapan at kawalan ng pantay na oportunidad dahil sa mali at corrupt na pamamalakad sa gobyerno. Dahil kung mayroon mang may pinakamalakas at malawak na makinarya upang mabigyan ng oportunidad ang bawat isa, ito ay ang gobyerno dahil hindi buong aangat ang bayan sa indibidwalismo.
Log in to join in Reading is open to everyone. Replying needs an account.
No comments yet