read.cash Log in
@Ellehcim

Bakit napaka-malumanay mo sa pakikitungo sa akin? Paano mo nagagawang kausapin kami nang hindi tumataas ang boses mo? Saan ka nakakahugot ng pasensya para hindi mangatwiran sa tuwing nasisigawan ka, o pinagsasalitaan ka ng hindi maganda? Sa totoo lang, sa tanda kong 'to, hindi ko pa rin matarok ang pagiging kalma mo sa halos lahat ng bagay. Hindi ka mahilig manghingi, at hindi ka nagrereklamo sa ibinibigay sa'yo. Kaya ang sarap mong biyayaan, eh. Hindi mo rin ako kailanman hinusgahan sa t'wing dumadaing ako sa'yo, kaya gumagaan talaga ang pakiramdam ko kapag nagkukuwento ako sa'yo. Napakasipag mo pa. Kilos ka nang kilos, pero wala akong naririnig na nagrereklamo ka na walang tumutulong sa'yo, o kung may iniinda kang masakit. Pero, Pa. Okay lang magreklamo sa'kin, ha? Ayos lang na minsan, hindi mo magawa 'yung mga bagay kasi tinatamad ka, o pagod ka. Ayos lang rin na pagalitan mo ako kapag nagkakamali ako. Tsaka pakiusap, h'waag mong ililihim kapag may masakit sa'yo. Sa totoo lang, dapat nga nag-rerelax nalang kayo ni mama, eh. Pero 'yan, nagpapaka-magulang pa rin kayo sa'min. Parang hindi kayo nauubusan ng lakas araw-araw. Kung gaano ako ka-aga bumangon, mas maaga naman bumabangon si mama para ipagluto ako ng almusal at babaunin. Kung gaano ako ginagabi ng uwi, ay ganun ka rin kagabi maghintay para sunduin ako. Nakakalungkot lang kasi hindi ko pa rin kayo nabibigyan ng maalwan na buhay. Ayoko nang umeekstra ka, Pa. Ayoko nang paminsan-minsan ay nangangamuhan ka pa rin. Gusto kong ibigay talaga ang buhay na sobrang karapat-dapat sa inyo ni mama. Kaso hindi ko pa siguro panahon para mamunga nang hitik, sabi Niya. Naniniwala ako sa panahon ng Dios Ama. Pero, sana, hanggang sa marating ko na ang ganoong kalagayan, at higit pang matagal kasunod niyon, malubos niyo lahat ng magagandang karanasan na hindi niyo naranasan sa inyong malungkot na pagkabata. 03/26/2024

No comments yet

Log in to join in Reading is open to everyone. Replying needs an account.