Silweta

0 21
Avatar for Burnok
Written by
2 years ago

“Bakit pa ba ako nandito?”

Tanong ko sa aking sarili nang paulit-ulit – tuwing pinipilit kong ipikit ang aking mga mata upang pigilan ang mga luhang tuloy-tuloy na dumadaloy, tuwing tinatakpan ng aking mga kamay ang aking tainga upang maibsan ang sakit na dulot ng mga salitang aking naririnig na tila ba mga panang tumutusok sa aking puso, tuwing gusto kong sumigaw nang napakalakas, iyong sobrang lakas upang marinig nilang galit ako, nasasaktan ako, at hindi ko na kaya pero tanging ang paghikbi lamang ang   aking nagawa.

Ang mundo ay isang digmaan; ipinanganak tayo upang lumaban sa mga hirap at pagsubok na dadating sa ating buhay at upang makamit natin ang ating mga pangarap at hangarin. Sa labing-anim na taon kong pakikipagsapalaran sa buhay, araw-araw ay may pagbabago. Kilala ko ang sarili ko kahit anong anggulo ko pa tignan. Nasa akin ang susi sa bawat sikreto at katotohanan tungkol sa akin. Ako ay isang ordinaryong taong may mga pagkakamali at kahinaan. Nararanasan kong manatili sa ilalim ng mundo –  kinakaya kong pasanin lahat ng hirap at problema. Nasusubukan kong maglakad sa isang mataong lugar at nararamdamang ako ay mag-isa. Nadadapa ako dulot ng hirap ng buhay subalit natututo akong tumayo dahil nangingibabaw sa aking puso at isipan ang kagustuhan kong maging matagumpay kahit na minsan ay mismong mga magulang ko ay hindi naniniwala sa akin. Walang taong kayang mabuhay nang mag-isa lamang. Tayong lahat ay nangangailangan ng karamay –  taong  handang maglaan ng oras at panahon upang pakinggan ang ating mga hinaing sa buhay. Sa kabila ng mga sanda- ling wala akong nasasandalan, lumalabas siya nang wala sa oras. Ang aking silweta ay kaibigan ko simula pa nang makamtan ko ang regalong bigay sa akin ng Maykapal. Siya ang nagsisilbing representasyon ko. Dala niya ang mga bagay na hindi ko kayang kunin sa pagdaan ng panahon. Itinatago niya ang mga pangarap kong naudlot at mga kagustuhan kong hindi ko nakamit. Nasa kanya ang mga ugali ko na ayaw kong ipakita sa lahat ng tao. Batid niya ang lahat ng mga lihim ko sa buhay.  Taglay niya lahat ng mga pinakamasasakit na ala-alang ayaw ko nang balikan. Kinamumuhian ko siya. Pinapaalala niya lahat ng aking mga kabiguan. Pero kahit anong gawin ko, kahit anong pagtataboy ang gawin ko sa kanya, kailanman ay hindi niya ako iniwan. Naroon siya noong panahong ako ay nadapa at kailangan kong bumangon. Nakita ko siya at naging  gabay ko siya sa pagbangon. Tinulungan niya ako at ipinaparamdam niyang kahit nasa ibaba ako ay hindi ako mag-iisa. Sa mga panahong nasa itaas ako ay naroon din siya. Sa hirap at saya ay may naging karamay ko siya.  

Sa paglipas ng panahon, unti unti kong naiintindihan ang lahat. Ang araw ay hindi na natatakpan ng mga ulap at ako ay naliliwanagan na sa mga bagay-bagay sa aking paligid lalo na ang tungkol sa aking pagkatao. Ang puso kong dating nababalot ng yelo ay unti-unti nang nalulusaw. Tanggap ko na ang mga bagay na dati ay itinatanggi ko lamang sapagkat alam kong kung sino man ako ngayon ay iyon ang ginusto kong maging. Wala akong pagsisisi sa lahat ng mga desisyon ko sa buhay. Natutunan kong kailangan kong tanggapin lahat ng mga nangyari sa nakaraan at dapat ay mahalin ko ang sarili ko. Mahirap mabuhay sa mundo. Pero handa na akong kalabanin lahat para lang sa mga pangarap ko. Alam kong balang araw, ang mga hirap na nararamdaman ko ngayon ay mapapalitan ng saya. Hindi na ako natatakot at hindi ko na itatago ang mga katotohanang batid ng aking silweta.

Mahal ko siya at mahal niya ako sapagkat ang silweta ay ako at ako ay ang aking silweta.

3
$ 0.10
$ 0.10 from @TheRandomRewarder
Sponsors of Burnok
empty
empty
empty
Avatar for Burnok
Written by
2 years ago

Comments