read.cash Log in
@Bitraph

Malayo ka man

Pwede ba kitang alayan ng tula? Oo ikaw, mismo! Ikaw. Tulang kahit di magtugma, pilit na pagdudugtungin ang salita Magkapili-pilipit man ang dila ngunit di ang aking adhika Na sa layo mo'y di malayong malayó ang puso ko Ngunit sa kalaunan ang kalayuan ay di na paglalayuin ang ating mundo. Ano? Malayo nanaman ba? Hanggang kailan ba kasi yan kalayo? Mali ba ang tanong? O bakit ang layo ng layo? Hindi naman mali ang tanong, di ko lang alam ang sagot kung paano. Nalaman ko na lang na nakatira ako sa dalawang mundo, dyan sa kung saan ka at dito sa kung saan ako. Langit at lupa ang pagitan ng ating pinaglalaban Sakripisyo at luha lang ang tanging lakas na pinagkukunan Sandigan ang makausap ka at makakwentuhan, ngunit hindi yung mismong nasasandalan. Oo, Kay lungkot. Malungkot na nga ang di ka masilayan at mahawakan, mas nakakalungkot pang isipin na ang kalungkutan din ay ang di makita kitang kalaban. Puno ng pangako sa kabila nitong distansya, pagdududa at pag-aalala na para bang di na magkikita. Pagsuko at pagkalimot ay di na natin iniinda, sapagkat magibà na ang lahat, wag lang ang ating pagsasama. Huwag kang magalala, pagkat katapat ng pagsubok ay ang pag subok na magmahal. Tumagal. Sumugal hanggang sa tayo'y tuluyang magkita. Itaya lahat ng alas, wag lang matukso sa ibang hari o reyna dahil ikaw ang dos na diamond sa larong pusoy dos, lagi kong hahanap-hanapin at gustong makita. Matatapos ang araw, sasapit ang gabi, tatanungin ka ng kamusta at ikaw ba'y kumain na? Sana'y masanay ka saking kakulitan, wag mainis at mapagod sa aking katauhan, di ko man masabi ng personal yan, seryoso ako at gusto lang kitang laging nasa maayos na kalusugan. Magtampo ka man ay susuyuin paulit-ulit sapagkat, mahal kita ng sobra sobra, puso ko'y mananatiling tapat. Kaya Mahal, wag kang susuko at ako rin, Aasahan kong ang tamang panahon sa atin ay darating.

2 comments

Log in to join in Reading is open to everyone. Replying needs an account.