Mas masaya bumiyahe sa umaga kaysa sa hapon.
Masaya sa umaga sapagkat halos lahat ng kasabay mo sa jeep, o sa bus, o sa LRT/MRT ay bagong ligo, nakaayos, mabango, at punong-puno ng energy.
Di na ganun kapag hapon at uwian na. Iba’t-ibang mukha na ang makikita mo sa loob ng jeep, halos lahat na ng pasahero pagod na sa maghapong paggawa. Mahahalata mo kasi yung iba inaantok, yung iba tulog na, yung iba naman nakatulala, may malalim ang iniisip at yung iba naman mainit na ang ulo. Di na rin maaliwalas ang mukha at iba na rin ang amoy ng iba. May oily na ang mukha, basa ang damit sa pawis, at yung iba naman tuyot na ang bibig.
Kapag umaga marami pa rin ang mga nagmamadali pero madalas nakangiti pa rin habang nakikipagunahan na para lang mga contestants sa Amazing Race. Nag-iiba ito kapag hapon at uwian na. Madalas galit ang mga ito sa pakikipag-unahan na para bang End of the World o 2012 na at kailangang makauwi agad.
Tuwing umaga, ganado ang lahat at nasasabik sa maghapong paggawa. Punong puno ng pag-asa ang iba at may baon pang matamis na ngiti. Nag-iiba ito tuwing hapon sapagkat maaaring ang iba nagtagumpay sa kanilang mga layunin ngunit ang iba naman hindi. Yung iba wala ng halos pag-asa kapag uwian at wala na halos maaninag na ngiti sa kanilang mukha.
Marami pa ang pagkakaiba ng umaga at hapong eksena sa loob ng jeep. Ngunit kung meron mang ipinagkaiba ang hapon sa umaga ay ang pagkakataong matuto sa mga nangyari sa buong araw. Binibigyan tayo ng pagkakataon upang unawaing mabuti ang mga ginawa natin maghapon. Kaya ito siguro ang dahilan kung bakit kapag uwian na sa hapon marami ang nakatulala, at nag-iisip ng malalim, nakapikit at ipinapahinga ang isip, at ang iba’y idinadaan sa tulog. Binibigyan tayo ng hapon ng pagkakataong pagsisihan ang mga nagawa nating mali sa buong araw at itoy ituwid kinabukasan.
Sa hapon, nabibigyan tayo ng pagkakataon na muling makapagpahinga at para makaipon ng lakas para sa darating na bagong umaga. Paggising natin sa umaga, nasasabi natin na marami tayong matutunan ngunit ang totoo sa hapon talaga tayo natututo.
Ganito ang mensahe ng isang araw sa buhay ng tao… ang mundo ay totoong umiikot ng hindi natin namamalayan. Gigising tayo tuwing umaga upang sulitin ang maghapon. Sasakay sa jeep upang pumunta sa kung saan, at hindi natin namamalayan na hapon na at kailangan na ulit nating pumara sa isang araw ng byahe ng buhay
Ikaw??? Paano ka bumabyahe sa buhay mo??