read.cash Log in
@Adbent more from that month

MAHAL KO SIYA, MAHAL NIYA AKO NGUNIT MAY MAHAL PA SIYANG IBA? Ni: Admin Cherrydon “Kung gaano kahiwaga ang buhay ng tao, ay ganoon na rin siguro kahiwaga ang tinatawag nilang pag-ibig.” Marami ang nagpakatanga rito, marami ang nagpakabobo, basta kung saan siya masaya, ay doon siya. Wala kang pakialam sa sasabihin ng ibang tao. Minsan ay nauuntog ka; gusto mo nang wakasan; gusto mo nang talikuran at kalimutan; gusto mo nang mag-move on; ngunit, heto ka na naman, bumabalik sa kanyang kanlungan. Ang tanga lang, hindi ba? Isa na ako roon. Tanga na kung tanga, pero mahal ko siya at mahal niya ako, ooops, may mahal din siyang iba..? Ako si Maxima, o Ima. Katorse anyos pa lang ako ay nagkaroon na ako ng nobyo na may limang taong tanda sa akin. Ang sarap sa pakiramdam, first time ko kasi nun. Umikot lang ang mundo ko sa kanya. Hanggang dumating ang panahon na pilit niyang hinihingi ang aking pagkababae. Hindi pa ako handa nun at nangibabaw talaga ang takot ko, kahit mahal na mahal ko siya. Bigla siyang nagbago nang hindi ko maibigay iyon sa kanya. Hanggang sa tuluyan na niya akong nilayuan at iniwan. Lumipas ang tatlong taon, ay nag-asawa na siya. Nakadama ako ng panghinayang sa sarili ko. Sana ibinigay ko nalang ang gusto niya, hindi sana siya lumayo sa akin. Mahirap at masakit mang tanggapin, ay kailangan kong kalimutan siya. Sumang-ayon din naman ang pagkakataon. Lumipat kaming buong pamilya sa isang probinsya, dahil binawi na ng may-ari ng lupa ang pinagtirikan ng kubo namin. “Bestfriend, siya si Freij at gusto niyang makipagkilala sa’yo,” pakilala ng kaibigan ko sa kasama niyang guwapong lalaki. Tatlong taon na rin na sinara ko ang puso ko sa ibang lalaki. Nang makilala ko si Freij ay muli ko itong binuksan. Sa unang pagkakataon na niyaya niya akong mamasyal, ay tumango naman ako. Doon kami sa dalampasigan. Ewan ko ba, hindi ko napigilan ang aking sarili at sinunggaban ko siya ng halik sa kanyang mga labi. Siguro ay na-miss ko lang ng husto ang una kong nobyo. Hindi naman niya ako binigo, nagpakalalaki rin ito, ngunit bumilib ako sa kanya nang inayawan niyang sungkitin ang bandila ko. Mula noon, ay lalo pang napalapit ang loob ko sa kanya. Niligawan niya ako, at sinagot ko naman agad ito. Istrikto pala ang mga magulang ni Freij at ayaw niya akong ipakilala sa kanila bilang girlfriend niya. Naintindihan ko naman siya dahil mahal ko siya. Naging patago ang aming relasyon. Mainit ang aming laging pagtatagpo. May pinagtakhan lang ako sa kanya. Lagi itong nanghihingi ng pera sa akin. Wala kasi itong trabaho at umaasa lang sa kanyang mga magulang na kumikita ng maganda. Hindi naglaon ay natuklasan kong gumagamit pala siya ng ipinagbabawal na gamot. Mula noon, ay pansin kong iba na ang pakikitungo niya sa akin. “Bestfriend, ayaw kitang nakikitang nasasaktan, ngunit kailangan mong malaman na niloloko ka lang pala ni Freij. May iba siyang babae maliban sa’yo, sorry bestfriend,” mahinahong sabi ng aking kaibigan. Ayaw kong paniwalaan ang mga nababalitaan ko tungkol kay Freij, lalo pang buntis ako sa mga panahong iyon. Hanggang dumating ang sandali na kailangan kong harapin ang masakit na katotohanan. Katotohanang dalawa kaming nagmamay-ari sa puso ni Freij. Biglang gumuho ang aking mundo. Tanggap ko na ang bisyo niya, ngunit ang mahirap tanggapin at intindihin ay nagawa niya akong lokohin. Nakuha ko pang makipagsabunutan sa babae niya, ngunit talo ako sa kapal ng pagmumukha nito. Para itong aso na buntot ng buntot kay Freij hanggang sa tuluyan na itong tumira sa bahay nila. “Mahal kita, hindi ko alam kung bakit niya pinagsiksikan ang sarili niya sa akin. Huwag kang gumawa ng kahit ano na ikasasama ng baby natin sa sinapupunan mo,” paglalambing ni Freij sa akin. Lumambot naman ang puso ko. Nasabi ko sa sarili ko, na hindi ako magpapaapi. Hindi man ako pinakasalan, ay hindi rin pinakasalan ang babaing umagaw sa mahal ko, kaya wala rin siyang karapatang pagbawalan ako. Ayaw man ng mga magulang niya sa akin, ay isisilang ko ang sanggol at bubuhayin ko itong mag-isa. Napatawad na ako ng mga magulang ko at alam kong hindi rin nila ako pababayaan. Patuloy pa rin kami ni Freij. Hanggang sa nalaman kong buntis na rin ang kanyang babae. Ang sakit, doble ang sakit na naramdaman ko nang malaman ko nun na niloko niya ako. Minura ko siya, sinumpa, at sinabihang huwag na magpakita pa sa akin kailanman. Isinilang ko ang sanggol na wala siya sa aking tabi. Lalaki ang anak ko. Makaraan ang dalawang buwan ay nagsilang ng batang babae ang kinakasama niya. Nakikita kong mahal na mahal niya ang bata. Kaya hindi rin ako nagpatalo na makakuha ng atensyon sa ama ng anak ko. Binuksan kong muli ang pintuan ko sa kanya. Walang pagsidlan sa aking saya sa tuwing kapiling namin siya ng anak ko, na kahit alam kong doon siya umuuwi sa ibang babae. Panay ang pasaringan at parinigan namin ng mga status at posts sa Facebook. Ang weird, pero ipinagpatuloy ko pa rin dahil hindi ko maitangging mahal na mahal ko pa rin siya. Hindi ko alintana na pinagtatawanan at pinag-uusapan na kami ng mga tao. Alam kong patas lang ang laban. Kaya Ako, go lang ng go..! “WOW! THANKS GOD FOR ANOTHER WONDERFUL GIFT TO US.. I’M PREGNANT TO OUR SECOND BABY..!” Pakshit! Naihampas ko sa pader ang mouse ng kompyuter nang matapos ko mabasa ang status update ng karibal ko. Sa dami na ng sakit na idinulot ng pagtataksil sa akin ni Freij ay hindi pa rin ako nasanay. Nasasaktan pa rin ako nang husto. Sa pagkakataong yaon, gusto ko ng tigilan ang kahibangan ko. Mahal ko siya, ngunit sobra na ang sakit na nararamdaman ko. Kung tunay niya akong mahal, dapat kami ang pinili niya at kami ang ipinaglaban niya, noon pa. Sa unang pagkakataon ay tiniklop ko ang mga tuhod ko at nanikluhod sa Panginoon. Humingi ako ng kapatawaran, ng panibagong lakas, ng pag-asa at liwanag na magtatanglaw sa madilim na daang aking nilalakaran. At maya-maya, ay naduduwal ako, nasusuka, nahihilo at ilang segundo ay nagdilim na ang aking mundo..! W A K A S . Ang totoong kuwentong ito ay buong tapang at kusang loob na ibinahagi sa akin ng isang kaibigan. Ang mga nabanggit na pangalan, lugar o pook at maging ang ibang mga pangyayari ay sadyang binago sa hiling ng Sender. #tagalogshortstories #admincherrydon

2 comments

Log in to join in Reading is open to everyone. Replying needs an account.